Wednesday, November 27, 2019















Gurong Mapaghabi 


Tayo'y bukas sa ating isipan na ang bawat isa'y puwedeng maging guro. Pero, kailan ka nga ba matatawag na isang guro? Kapag ika'y handang magbahagi ng kaalaman na magsisilbing lubid tungo sa nais na makamit na adhikain?, o 'di kaya gurong lubos na inaalay ang mga gabi sa paglalagay ng marka sa bawat gawain na pinasa sa kabila ng antok na dulot ng maghapong nakatayo at pagsasalita? o gurong handang tanggapin ang bawat reklamo na kanilang natatamasa sa kabila ng malasakit sa pagkatuto ng isang bata? Sa kabila nito, hanggang doon na lamang ba sumasaklaw ang pagkilala natin sa mga guro?. 

Hindi biro ang isang propesyon na maging instrumento sa paghubog ng isang makalidad na bunga na handang isabak sa reyalidad ng lipunan. Sa maraming papausbong na isyung panlipunan ang guro ang humahabi upang mapunan ang butas na madudulot ng maling kaisipan. Kaisipan na maaring magbunga sa isang maling pagkilala at pag - unawa sa tunay na katotohanan. Ang guro ay 'di lamang taga bahagi ng kaalaman kung hindi isang magulang na nagnanais hubugin ang mga anak para sa ikabubuti na gagawin ang lahat para mahubog sila ng maayos kahit magdulot ito sakit at puot ng anak sa kanila. Tila'y isang martir ang pagiging guro, sabagay sa kabila ng hirap at malasakit sa bawat mag - aaral papatamaan pa rin sila ng samo't saring hinaing na lingid sa kanilang kaalaman ay para sa kanilang ikabubuti ang lahat ng gawi ng isang guro. 

Mahirap pumasok sa ganitong propesyon na ika'y napipilitan lamang. Nangangailangan ito lubos na pagkilala sa sarili at pagkakaroon ng tawag ng propesyon upang makaligtas sa hamon at kahingian ng lipunan. Nangangailangan tayo ng isang gurong handang hubugin ang mga mag - aaral na makakabuo ng maraming bunga. Bungang mag - aakyat sa bayang nalulunod sa sariling luha na naghihinagpis na dulot ng sariling katawan na walang ibang ginawa kung hindi sirain ang sariling pag - aari. 

Ang guro ay isang tagapagmulat sa reyalidad ng buhay na maggagabay sa atin sa panghabambuhay na pagkatuto. Maging simulain ang pagtanggap, pagkilala at pagmamahal sa ating guro. Tayo'y magsimula sa pagtanggap kung saan handa tayong tanggapin ang ating pangawalang magulang ay guro na 'di natin minamasama ang bawat salitang may pagmamalasakit at mga desisyon na maaring magbigay ng leksyon upang tayo maging ganap na natuto. Pangalawa, ang pagkilala kung saan kinikilala natin ang kahalagahan ng guro sa buhay natin. Kinikilala natin sila bilang isang may makapangyarihan na magbibigay sa atin ng magandang buhay. At huli, ang pagmamahal kung hindi natin ipapairal ang pagmamahal sa ating puso para sa ating mga guro hindi natin matatanggap at makikilala sila bilang parte ng ating buhay. Hindi natin makikita ang kahalagahan ng kanilang magandang adhikain kung hindi bubuksan ang ating puso at bigyan ng espasyo para sila'y maunawaan at tanggapin dahil tanging nais nila ay tayo'y mahatid sa magandang paroroonan. 

Tanging hiling ko lamang bukasan ng ating Kagawaran Pangedukasyon ang mas malawak at mas malalim na pagkalinga sa ating mga guro. Oo, maraming insidente na gurong pinapatay at kinikitil ang kanilang buhay o 'di kaya gurong naiisyu sa iba't ibang sitwasyon kaya't hinihingi ang kanilang mata't kamay sa upang makita at mayakap ang tunay na problema na kinakaharap ng ating mga guro. Sana'y patuloy ang kanilang pagbibigay ng agarang tulong sa bawat pangangailangan ng guro upang mas mapangalagaan sila para 'di na muling madagdagan ang mga gurong mawawalan ng propesyon dahil sa mga kulang na hustisya at mga gurong piniling kitilin ang buhay para makatakas sa mapanglamon na ekspektasyon ng lipunan. Nawa'y maging lunsaran ito upang mas makilala ano ba ang isang guro.